Handa na ang House prosecution team sa pagharap sa oral arguments sa impeachment trial ngayong linggo.
Ito’y para talakayin at pagdebatehan ang voting threshold o kinakailangang bilang ng boto mula sa mga senator-judges para sa conviction ni Vice President Sara Duterte.
Inaasahang si House Prosecutor Leila de Lima ang kakatawan o haharap sa impeachment trial para ilatag at talakayin kung paano dapat ipaliwanag at ipatupad ng senator-judges ang two-thirds conviction threshold na nakasaad sa Konstitusyon.
Ayon naman kay House Prosecutor Chel Diokno, kinikilala nila ang kapangyarihan ng Senate Impeachment Court na magpasya sa isyu at kanilang igagalang ang magiging desisyon nito.
Para kay Diokno, ang oral arguments ay inaasahang maglilinaw kung mananatili sa 16 ang boto mula sa kabuuang 24 na senador o kung magbabago ang bilang batay sa dami ng mga senator-judge na aktuwal na lumalahok sa impeachment trial.
Paliwanag ni Diokno, para sa prosecution, mas makatotohanan ang mga pananaw ng mga retiradong punong mahistrado na inimbitahan bilang amici curiae o mga kaibigan ng korte.
Aniya, hindi tututol at igagalang ng prosecution anuman ang maging desisyon ng Impeachment Court sa voting threshold. | Sa panulat ni Geli Mendez

