Pinasimulan ni Mayor Leni Robredo ng Naga City ang kanyang programa sa radyo na “Oras ni Mayor” sa DWIZ 95.1 Naga, na layuning magbigay ng impormasyon at talakayin ang mga isyung may kinalaman sa lungsod. Sa unang episode ng programa, tinutukan ng alkalde ang kahandaan ng Naga City sa pagdating ng Bagyong Uwan.
Ibinahagi ni Mayor Robredo ang mga karanasan ng lungsod sa nakaraang mga bagyo at ikinumpara ito sa naranasan ng Cebu City sa ilalim ng Bagyong Tino, na aniya ay halos kapareho ng epekto ng Bagyong Kristine sa Naga. Dagdag pa niya, ang kaibahan lamang ay ang kawalan ng coastal area sa Naga, dahilan upang magkaiba ang uri ng panganib na kinakaharap ng dalawang lungsod.
Patuloy ang panawagan ni Mayor Robredo sa mga residente na agad na sumunod sa mga abiso ng evacuation at huwag nang hintaying lumala pa ang panahon bago kumilos. Hinikayat din niya ang lahat na makiisa sa paglilinis ng mga kanal at daluyan ng tubig, at huwag umasa lamang sa lokal na pamahalaan.
Ayon sa alkalde, sa unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan ay agad siyang hinarap ng mga pagbaha dahil sa dami ng waterways sa lungsod. Marami na umanong minor works ang naisagawa upang mapigilan ang pagbaha, ngunit mayroon pa ring mga major projects na kinakailangang ipatupad upang matugunan ang suliraning ito sa mas malawak na antas.
Kaugnay nito, aktibo umano ang Waterways Management Committee na pinamumunuan ni Konsehal Aries Macaraig, na regular na nagsasagawa ng inspeksyon sa mga creek at drainage upang matiyak na malinis at walang bara. May ilang lugar na may mga obstruction at agad nang pinadalhan ng abiso upang maisaayos.
Binigyang-diin din ng alkalde ang pagpapatupad ng “Zero Tolerance Against Corruption” at “No Gift Policy” sa pamahalaang lungsod. Aniya, ipinagbabawal na ang pagreregalo sa mga opisyal at kawani upang maiwasan ang anumang uri ng impluwensiya sa paggawa ng mga desisyon. Magkakaroon din ng orientation meeting para sa mga supplier at contractor upang maipaliwanag ang bagong patakaran.
Sa usapin naman ng kaligtasan at serbisyo, tiniyak ni Mayor Robredo na patuloy ang suporta sa mga barangay electricians, kung saan binigyan sila ng high-quality tools, flyers, at harnesses para sa kanilang proteksyon. Layunin ng programa na dahan-dahang ma-equip ang mga barangay electricians upang mapabuti ang kanilang operasyon.
Ipinagmalaki rin ng alkalde ang pagbuhay at pagpapaganda ng Roco Library, na ngayon ay bukas na pitong araw sa isang linggo at may internet connection, 20 laptops, at learning materials para sa mga guro sa bawat antas ng paaralan. Dinagdagan na rin ng mga mesa at air conditioning unit ang pasilidad dahil sa dami ng mga gumagamit, lalo na sa Children’s Room at sa bahagi ng mini-museum ni dating Senador Raul Roco.
Tinalakay din ni Mayor Robredo ang mga hakbang sa kahandaan ng lungsod sa Bagyong Uwan. Mayroong limang evacuation centers na pinamamahalaan ng lungsod — Balatas, Sta. Cruz, Mepo 2nd Floor, JMR Coliseum, at City Hall People’s Hall — na pawang may well-trained camp managers na sumusunod sa standards ng DSWD.
Mayroon ding limang water assets sa lungsod — tatlo mula sa Angat Buhay at dalawa mula sa BFAR, na handang gamitin anumang oras para sa operasyon. Inatasan ng alkalde ang lahat ng tanggapan ng pamahalaang lungsod na magpadala ng mga kinatawan sa disaster management teams upang mas mapabilis ang pagtugon sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Mayor Robredo, katuwang din ng lungsod ang DepEd schools, mga simbahan, private schools, at ilang pribadong tahanan sa pagtanggap ng mga evacuees. Tiniyak din niyang ginagawa ng LGU ang lahat upang maging maayos, ligtas, at komportable ang bawat evacuation center, na may sapat na tubig, palikuran, at kusina.
Kasabay nito, binanggit din ni Mayor Robredo ang pakikipagtulungan ng mga mall sa Naga para magbigay ng parking spaces at karagdagang evacuation areas kung kakailanganin. Ang Naga Central Bus Terminal, na madalas bahain, ay nakatakdang ayusin at kasama sa 2026 city budget para sa pagpapalalim ng mga kanal.
Dalawang tulay sa Barangay Cararayan at ang Colgante Bridge na kasalukuyang may bitak ay kabilang din sa mga prayoridad na proyekto ng lungsod sa susunod na taon.
Binigyang-diin ng alkalde na ang evacuation ay first come, first served basis, kaya’t dapat agad na sumunod ang mga residente kapag nag-anunsyo na ang barangay.
Sa pagtatapos ng programa, tiniyak ni Mayor Leni Robredo na mas handa na ngayon ang Naga City sa pagharap sa mga sakuna tulad ng Bagyong Uwan, sa tulong ng pagkakaisa, disiplina, at malasakit ng bawat Nagueño.






