Mariing itinanggi ng isang e-wallet firm ang mga ulat na nagkaroon ng data breach sa kanilang sistema, kasunod ng isang post sa dark web na nagsasabing ibinebenta umano ang impormasyon ng milyon-milyong users ng nasabing mobile wallet.
Ayon sa GCash, matapos ang masusing pagsusuri ng kanilang mga cybersecurity at forensic experts, walang natagpuang senyales ng anumang paglabag o kompromiso sa kanilang system.
Giit ng kompanya, ligtas at protektado ang impormasyon at pondo ng lahat ng gumagamit ng GCash.
Ang pahayag ay kasunod ng kumalat na online post na nagsasabing may nag-aalok ng umano’y data records mula 2019 hanggang Oktubre 2025, kabilang ang mga personal na detalye at eKYC records ng mga user.
Ngunit sa imbestigasyon ng GCash, lumabas na ang nasabing dataset ay hindi tumutugma sa format ng kanilang database at naglalaman ng maraming maling impormasyon.
Dagdag pa ng kompanya, ilan sa mga pangalang nakapaloob sa sinasabing listahan ay hindi rehistradong GCash users, at marami rin umanong kulang at magulong detalye sa ipinapakalat na data.
Dahil dito, pinanindigan ng GCash na hindi sa kanila nagmula ang mga materyales na kumakalat online.
“These findings strongly indicate that the material being circulated did not originate from GCash. At this time, there is no evidence of any breach in GCash systems. All customer accounts and funds remain secure,” pahayag pa ng kompanya.
Samantala, tiniyak din ng GCash na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Privacy Commission (NPC), at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang matiyak ang seguridad ng system at mapanatili ang tiwala ng mga gumagamit nito.




