Mas pinalakas ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang kanilang hakbang laban sa mga digital financial crimes sa pamamagitan ng paglunsad ng Cybersecurity at Finetech Handbook at renewal partnership kasama ang finance super app na Gcash.
Ipinakilala din ang Scam Assistance Hub na naglalayong padaliin ang paghahain ng mga reklamo tungkol sa mga nararanasang scam.
Pinagtitibay nito ang layuning tugunan ang mga financial cybercrimes at palakasin ang proteksyon ng mga konsyumer sa gitna ng patuloy na paglago ng mga digital payments.
Pagbibigay suporta sa cyber defense frontliners sa bansa
Ang Cybersecurity and Fintech Handbook ay nilikha kasama ang Gcash upang dagdagan ang mga pagsisikap ng Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) at mga tauhan ng ACG sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga pamamaraan sa financial cybercrime.
Tampok sa handbook ang mga module tungkol sa cybersecurity frameworks, batas sa cybercrime, financial investigations, mga sistema ng fintech, at mga pangunahing kaalaman sa cryptocurrency, para tiyaking handang harapin ang mga hamon sa digital crimes.
Pag-report sa mga nararanasang scam sa pamamagitan ng QR
Ipinakilala rin ang Scam Assistance Hub (SAH), isang bagong plataporma na nagpapadali sa pag-uulat ng scam para sa publiko.
Ang SAH QR code ay nag-uugnay sa mga gumagamit sa GCash SAH website, kung saan ang mga biktima ng online scams ay maaaring maghain ng ulat sa pulisya, tumanggap ng tulong, at iproseso ang dokumentasyon para sa mga claim sa ilalim ng Express Send Scam Insurance ng GCash.
Tinitiyak ng inisyatibong ito ang mabilis na pagtugon ng PNP-ACG at GCash ng mga reklamo sa pandaraya at pagsuporta sa mga naapektuhang users.