Sa gitna ng isyu sa maanomalyang flood control projects, pumangalawa ang korapsyon sa mga alalahanin ng mga Pilipino nitong Setyembre.
Batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research, 31% ng mga Pilipino ang alalahanin ang korapsyon, mas mataas ng 18 points kumpara sa 13% noong Hulyo.
Ayon sa OCTA, ito ang unang beses na nakapasok sa top five national issues ng Tugon ng Masa surveys ang korapsyon.
Nanguna naman sa nasabing survey ang pagkontrol sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo na nakakuha ng 48%, bahagyang mas mababa kumpara sa nakaraang 50%.
Bukod sa mga nabanggit, alalahanin din ng mga Pilipino ang access sa abot-kayang presyo ng bigas, gulay, at karne; taas-sahod para sa mga manggagawa; at pagbawas sa kahirapan.
Isinagawa ang survey sa 1,200 male and female adult respondents sa pamamagitan ng face-to-face interviews noong Setyembre 25 hanggang 30.