Labindalawang miyembro ng isang pamilya sa Medellin, Cebu ang naiulat na nagtangkang saktan ang kanilang sarili, mahigit isang linggo matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang lalawigan.
Ayon sa Medellin Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag na humihingi ng tulong matapos magpakita ng matinding pagkabalisa ang ilang miyembro ng isang Christian Church.
Pagdating ng mga awtoridad, natagpuang hindi maayos makapagsalita ang lahat ng miyembro ng pamilya — kabilang ang isang walong taong gulang na bata at isang buntis — at tila nagtangkang magpakamatay.
Base sa tagapagsalita ng relihiyosong grupo, hindi pa raw kumakain ang pamilya mula pa noong Oktubre 1 dahil sa trauma na dulot ng lindol. Itinapon rin umano nila sa dagat ang mga ipinamigay na food packs.
Agad na nagsagawa ng Psychological First Aid ang Rural Health Unit ng Medellin at isang medical team mula Maynila upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon ng mga apektadong miyembro ng pamilya.
Para sa mga nakararanas ng matinding emotional problem o may naiisip na saktan ang sarili, maaaring tumawag sa National Mental Health Crisis Hotline sa 1553 (Luzon-wide, toll-free), 0966-351-4518 o 0917-899-USAP (8727) para sa Globe/TM users, at 0908-639-2672 para sa Smart users.