Ibinunyag ng Commission on Elections o Comelec na anim pang senador ang sinasabing tumanggap ng campaign donations mula sa mga contractor na posibleng may kontrata sa gobyerno.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, lumitaw ang mga karagdagang pangalan ng mga senador matapos nila suriin ang limampu’t limang kontratista na kinilala bilang mga donor noong 2022 national elections.
Nilinaw din ni Chairman Garcia na hindi pa nila ito papangalanan hangga’t hindi pa tapos ang nasabing imbestigasyon.
Anya, nakikipag-ugnayan na ngayon ang Comelec sa Department of Public Works and Highways para i-verify kung ang mga campaign donors ay mayroong proyekto mula sa gobyerno sa panahon na ibinigay nila ang donasyon sa mga kandidato.
Kaugnay nito, inaasahan na ilalabas ng poll body ang resulta pagkatapos ng beripikasyon ng DPWH.