Umabot na sa mahigit sampung libong miyembro ng Social Security System ang nakinabang sa Calamity Loan Program.
Sa naganap na pulong-balitaan, sinabi ni SSS Vice President for Public Affairs and Special Events Division Carlo Villacorta na ang naturang bilang ay mula sa pinagsamang datos mula sa mga lugar na tinamaan ng mga bagyong Mirasol, Nando, Opong, at Lindol.
Dagdag pa ng opisyal na ang maximum loanable amount sa ilalim ng programa ay ₱20,000, pero depende sa kontribusyon ng miyembro.
Babayaran naman anya ito sa loob ng dalawang taon na may 7% interest rate, mas mababa kumpara sa dating 10%.
Sa ngayon, umakyat na sa mahigit isandaang milyong piso ang naipautang ng SSS sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Inaasahan din ng ahensya na madaragdagan pa ang bilang ng mga miyembrong uutang dahil bukas pa ito hanggang Oktubre 30.