Pinalawig ng Land Transportation Office (LTO) ang bisa ng mga rehistro ng sasakyan at driver’s license na nag-expire noong Setyembre 30, bilang tulong sa mga apektado ng mga nagdaang bagyo at lindol.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, naglabas na siya ng memorandum sa lahat ng regional directors at district office heads para sa pagpapalawig ng validity hanggang Oktubre 15, 2025.
Tiniyak ni Atty. Mendoza na walang multa o penalty na ipapataw sa mga motorista at may hawak ng lisensya na apektado ng extension.
Bukod dito, pinalawig din ng LTO hanggang Oktubre 15 ang 15-araw na palugit para sa pag-areglo ng mga traffic apprehension cases na epektibo mula Setyembre 26.