Patuloy ang ikinakasang relief operation ng Tingog Partylist para tulungan ang mga pamilyang pinadapa ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.
Libu-libong family food packs ang ipinamahagi ng partylist group para sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na lindol.
Pinangunahan nina Tingog Partylist Rep. Yedda Romualdez; Rep. Jude Acidre; at Rep. Andrew Julian Romualdez katuwang si Cebu 4th District Rep. Sun Shimura at iba pang local leaders ang pamamahagi ng relief packs at mga tent sa mga residente ng Bogo City at mga bayan ng Medellin, Borbon, at San Remigio.
Layon ng operasyon na maiparamdam sa ating mga kababayan na hindi sila nag-iisa at agarang matugunan ang uhaw at kagutuman ng mga pamilyang tinamaan ng lindol.
Ayon kay Rep. Yedda Romualdez, ang kanilang misyon ay isang kongkretong pagpapakita ng bayanihan tungo sa ginhawa at matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayang nawalan ng tirahan at kabuhayan.
Nanawagan naman si Rep. Jude Acidre sa ating mga Cebuano na manatiling maging matatag at kaisa ang Tingog sa kanilang pagbangon mula sa trahedya.
Tiniyak naman ni Rep. Andrew Romualdez, na hindi matatapos sa pamamahagi ng relief ang kanilang pagtulong sa mga Cebuano.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Tingog Partylist sa mga pamilyang nawalan ng mga mahal sa buhay at binigyang-diin na ang tuluy-tuloy na pagtutulungan ng pamahalaan para sa mabilis na rehabilitasyon sa rehiyon.