Pabor ang isang dating opisyal ng Department of Transportation sa pinapanukala ni Bulacan 6th District Rep. Salvador Pleyto na gawing mandatory ang pagsasanay sa mga motorcycle riders bago sila bigyan ng lisensya.
Sa panayam ng DWIZ, naniniwala si National Center for Commuter Safety and Protection Chairperson at dating DOTr Assistant Secretary Elvira Medina na matagal na dapat itong ipinatupad ng Land Transportation Office dahil sa dami ng kaso ng mga nadadamay na motorsiklo sa mga aksidente sa daan.
Nangangamba rin siya dahil madaling nakakakuha ng motorsiklo ang mga tao kahit na wala pa silang lisensya o kaya naman ay kahit na menor de edad pa lamang sila.
Dagdag pa ni Medina, dapat akma ang gagamiting motorsiklo sa gagamit nito upang makaiwas sa aksidente sa daan.