Nagpalabas ng bagong budget guidelines si Public Works Secretary Vince Dizon para sa paghahanda at pag-review ng approved budget for the contract o A-B-C ng mga consulting services sa mga proyekto ng DPWH.
Ayon sa Department Order No. 184, magiging ceiling sa bid prices ng locally funded projects ang A-B-C at automatic na madidisqualify ang lalagpas dito.
Para naman sa foreign-assisted projects, hindi maaaring lumagpas sa approved loan o grant nang walang clearance mula sa mga oversight agencies gaya ng Department of Budget and Management o Department of Economy, Planning and Development.
Kumpara sa mga naunang guidelines, mas mahigpit ang bagong panuntunan dahil sa market scoping, automatic disqualification ng overbids, at mas mataas na approvals para sa cost adjustments.
Ipinag-utos din sa DPWH Bureau of Design na mag-validate ng mga A-B-C packages at maglabas ng updated costing guidelines taon-taon.
Agad na ipinatupad ang bagong alituntunin at pinalitan nito ang Department Order No. 99 na nilagdaan noong 2018.