Tila mata ng agila kung magmatyag ngayon ang mga Pilipino sa bawat galaw ng mga pulitiko, government officials, pati na rin sa pamilya ng mga ito.
Parang may nabuong trust issue sa taumbayan matapos isiwalat sa publiko ang maling paggamit ng pondo o tax mula sa mga Pilipino, partikular na sa bilyun-bilyong halaga ng palpak na flood control projects.
Kabilang sa mga opisyal ng goberyno na pinupuna ngayon sa social media ay ang anak ni Broadcaster-Senator Raffy Tulfo na si Quezon City 2nd District Representative at Assistant Majority Leader Ralph Wendel Tulfo.
Ito’y matapos mag-viral sa social media ang video ni Rep. Tulfo sa isang high-end nightclub sa Las Vegas noong December 2023 na lumalagok ng mamahaling alak.
Bukod pa riyan, nakuhanan din kung paano binayaran at pinirmahan ni Rep. Tulfo ang kanilang bill na nagkakahalaga ng 42,605 US dollars at 73,951.64 US dollars. Sa pera natin, tumataginting na 6,768,120.17 pesos ang total nito.
Pero ang paliwanag niya sa isang pahayag, wala silang ginamit na pera ng gobyerno o ng taumbayan sa kanilang pag gu-goodtime.
Humingi rin ito ng pang-unawa at sinabing mayroong natanggap na good news ang kaniyang mga kaibigan at private Christmas celebration ang ginawa nila sa nightclub.
Paliwanag niya, credit card man niya ang ginamit, lahat naman daw ay sila nag-ambag sa mga nagastos. Sinabi niya rin na naiintindihan niya kung bakit nasasaktan ang mga Pilipino sa mga magagarbong selebrasyon.
Samantala, matatandaan na si Rep. Tulfo rin ang nag-viral nito lang January matapos mahuling dumaan ang kaniyang sasakyan sa EDSA busway.