Kinuwestyon ni Bukluran ng Manggagawang Pilipino president, Atty. Luke Espiritu, ang naging takbo ng imbestigasyon ng senate blue ribbon committee kaugnay sa maanomalya umanong flood control projects.
Ayon kay Atty. Espiritu, tila nagiging “scripted” na ang tanungan ng mga senador dahil sumentro lang ang pagdinig sa karangyaan ng buhay ng mga kontratista, partikular ni Sara Discaya, may-ari ng Alpha and Omega Gen. Contractor & Development Corporation.
Hindi rin anya umabot ang pagtatanong sa pagkakasangkot umano ng mga senador at kongresista sa congressional insertions na pinaghugutan ng pondo para sa mga flood control project.
Naniniwala si Espiritu na ginamit lamang na “platform” ng ilang mambabatas ang naturang pagdinig para maghugas kamay o linisin ang kanilang sarili sa pagkakasangkot sa naturang anomalya.