Pinaghahanap ng Metropolitan Manila Development Authority ang magkasintahang nakuhanan ng video habang naglalakad sa gitna ng EDSA malapit sa Buendia station.
Ayon kay MMDA Chair Don Artes, maaaring managot ang dalawa sa kasong jaywalking. Kung menor de edad, ipapasa sila sa pambansang pulisya o sa Department of Social Welfare and Development.
Dagdag ni Chair Artes, walang kapangyarihan ang MMDA na manghuli ng jaywalkers ngunit maaari silang pagmultahin ng 200 hanggang 500 pesos o pagserbisyuhin ng community service sa ilalim ng Anti-Jaywalking Ordinance.
Kasunod nito, nagbabala ang ahensya sa publiko na tumawid lamang sa tamang tawiran upang maiwasan ang aksidente. Plano rin nilang maglagay ng karagdagang harang malapit sa mga istasyon ng pampublikong transportasyon.