Naniniwala si Manila Rep. Joel Chua, na panahon na para magkaroon ng master plan na tutugon sa mga nararanasang pagbaha sa Metro Manila at iba pang rehiyon sa bansa.
Para kay Cong. Chua, mas maganda na simulan na ang pag-aaral sa masterplan, at kung mayroon na’y dapat na itong ipatupad upang agad na masolusyunan ang problema sa pagbaha.
Ipinunto rin ng kongresista na hindi pwedeng sa flood control projects lamang isisi ang nararanasang pagbaha sa buong Kamaynilaan lalo’t batay sa isang pag-aaral, pitumpung porsyento ng sanhi ng pagbaha ay bunsod ng mga basura at ang paninirahan ng ilang Pilipino sa danger zone.
Aminado naman ang Manila solon na masyado nang luma ang mga drainage system sa bawat lungsod at hindi lahat ng inilalaang pondo ng gobyerno ay nakatutok sa proyekto ng flood control.
Iginiit ng mambabatas, na maiiwasan ang kinakaharap na suliranin kung magkaroon ng iba pang solusyon; magiging responsible; at magkakaroon ng disiplina sa pagtatapon ng basura.