Pabor si House Committee on Justice Chairperson at Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro na isailalim sa mandatory drug testing ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan.
Naniniwala si Rep. Luistro na mahalagang hakbang ito upang mapanatili ang integridad, pananagutan, at tiwala ng publiko sa mga institusyon.
Aniya, bilang mga lingkod-bayan, tungkulin nilang maging ehemplo at itaguyod ang pinakamataas na pamantayan ng propesyunalismo at responsibilidad.
Dagdag pa ng kongresista, sa pamamagitan ng mandatory drug testing, mapalalakas ang pagtataguyod sa pagkakaroon ng drug-free na pamahalaan na may kakayahang maghatid ng tapat, mabilis, at may malasakit na serbisyo.
Nilinaw ng mambabatas na ang nasabing inisyatiba ay hindi pagpaparusa kundi proteksyon sa interes ng publiko.
—Sa panulat ni John Riz Calata