Mala-drama ang naging eksena sa isang eskwelahan sa South Korea dahil sa panghihimasok ng nanay at tutor ng isang estudyante sa mismong eskwelahan para nakawin ang exam papers at mapanatili ang valedictory spot ng bata.
Kung ano ang kinahinatnan ng nanay at ng tutor, eto.
Pasado alas dos ng madaling araw nang pumasok sa isang all girl’s school na matatagpuan sa Andong, North Gyeongsang sa South Korea ang nanay ng isang estudyante kasama ang tutor ng kaniyang anak na dati palang guro sa nasabing eskwelahan.
Gamit ang hindi pa binuburang biometrics ng tutor sa school’s security database, nakapasok ang mga ito sa eskwelahan at nagtungo sa faculty offices kung nasaan ang mga exam papers.
Sa pamamagitan ng CCTV cameras, nabisto ang ginawang panghihimasok ng nanay at ng tutor sa eskwelahan kung kaya agad ding naaresto ang mga ito makalipas lang ang ilang oras.
Suspetya ng mga otoridad na ginawa na rin ng tutor ang kaparehong stunt dahil nakita sa bank records nito na nakatanggap ito ng 2 million won o mahigit 80,000 pesos mula sa nanay ng estudyante kapag kasagsagan ng exams.
Bukod pa riyan ay kinumpirma rin ng eskwelahan na pitong beses nanghimasok sa kanila ang tutor matapos nitong mag-resign.
Hinihinala rin na sinuhulan nito ang facilities manager para mabura ang mga ebidensya sa CCTV.
Ang suspetya ng mga pulis, nagawa ito ng mga suspek para mapanatili ang mataas na grades at ang pagiging top student ng bata sa eskwelahan.
Samantala, na-invalidate ang lahat ng test results ng bata at na-expell sa eskwelahan. Habang ang mga suspek naman ay patuloy na iimbestigahan dahil sa patung-patong na kaso.
Sa mga mahilig manood ng mga pelikula at series diyan, pamilyar ba sa inyo ang kwento na ito?