Pinaiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa iba’t ibang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan ang mga insidente at krimeng kinasasangkutan ng mga estudyante at guro, kabilang ang mga nangyayari sa loob o malapit sa mga paaralan.
Kabilang sa mga naturang ahensiya ang Department of Education, Department of Interior and Local Government, Philippine National Police, at Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay Presidential Communications Office undersecretary Claire Castro, layon ng direktiba na matiyak ang mahigpit na implementasyon ng Child Protection Policy ng DepEd sa lahat ng paaralan sa bansa.
Mahigpit rin aniyang babantayan ang sitwasyon sa mga eskwelahan upang agarang matukoy at maresolba ang mga problemang may kinalaman sa seguridad at kapakanan ng mga kabataan.
Iginiit pa ni Usec. Castro na mahalagang matutukan ang mental health ng mga kabataan, lalo na kung may menor de edad na nasasangkot sa mga naturang insidente.