Tiniyak ng Kamara na tatalima sila sakali mang hindi panigan ng Korte Suprema ang kanilang inihain motion for reconsideration sa ruling nitong nagdedeklarang ‘unconstitutional’ sa articles of impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ni House Prosecution Panel Spokesman Antonio Bucoy na walang magaganap na constitutional crisis, sa gitna ng pagtataguyod ng mga mambabatas na magkaroon hustisya at accountability.
Dagdag naman ni House Deputy Speaker Janette Garin, bagamat obligasyon nilang ituon ang pansin sa mga suliraning kinakaharap ng mga Pilipino, hindi nila hahayaang mawala ang accountability at anumang mga bagay na may kinalaman sa pampublikong interes.
Nabatid na kamakailan lamang ay idineklara ng Kataas-taasang Hukuman na ‘unconstitutional’ ang articles of impeachment na inihain laban sa Bise Presidente dahil sa paglabag nito sa one-year bar rule.