Pinalagan ng ilang miyembro ng Kamara ang naging panawagan ni Senator Imee Marcos na palitan si House Speaker Martin Romualdez.
Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi ni House Senior Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez na walang karapatan ang Senado na magdikta kung sino ang dapat mamuno sa Kamara. Nakasalalay aniya sa mga halal na kongresista ang desisyon, kung saan mayorya sa kanila ay ibinoto pa rin si Romualdez bilang House Speaker.
Dagdag pa ni Suarez, na ang panawagan ng senadora ay maituturing na lantad na panghihimasok sa kapangyarihan ng isang kapantay na sangay ng gobyerno, at nananatili aniyang buo ang kanilang suporta at tiwala kay Speaker Romualdez na pamunuan ang Kamara ngayong 20th Congress.
Iginiit naman ni House Deputy Speaker Jay Khonghun, dapat pumreno si Senator Marcos sa pagsasalita at may hangganan ang mga puwedeng sabihin sa publiko lalo na kung nakasisira sa integridad ng isang institusyon.
Samantala, nanawagan naman si Tingog Party-list Representative Jude Acidre na itigil na umano ang parinigan o intrigahan at pairalin ang respeto sa bawat sangay ng gobyerno.
Aniya, nais lamang din nilang tiyakin ang accountability o pananagutan kahit pa sa pinakamataas na mga opisyal ng gobyerno.—sa panulat ni Daniela De Guzman