Ibinabala ni Victor Andres “Dindo” Manhit, presidente ng Stratbase Institute, na ang Konektadong Pinoy Bill (KPB) ay maaaring magdulot ng panganib sa seguridad ng bansa kung ito’y maisasabatas sa kasalukuyang anyo.
Ayon kay Manhit, bagama’t layunin ng panukala na palawakin ang internet access sa buong bansa, maaari naman itong gamitin ng mga dayuhang bansa, gaya ng China, para sa paniniktik, manipulasyon, at pagpapakalat ng maling impormasyon kung walang sapat na proteksyon sa data at cybersecurity.
Sa kanyang talumpati sa isang forum ng Armed Forces of the Philippines, sinabi ni Manhit na ang digital technology ay maaaring magdulot ng kapakinabangan pero maaari rin itong gamitin laban sa bansa sa pamamagitan ng mga cyberattack at disinformation.
Binigyang-diin niya na ang cybersecurity ay hindi lamang teknikal na usapin kundi bahagi na ng pambansang seguridad.
Ang maling paggamit ng teknolohiya, aniya, ay maaaring gamitin bilang armas ng mga bansang gustong sirain ang demokrasya.
Binanggit din ni Manhit ang mga ulat tungkol sa mga disinformation campaigns na pinondohan ng ibang bansa, lalo na noong eleksyon, na layong pahinain ang tiwala ng publiko sa gobyerno at sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Dahil dito, nanawagan siya sa Kongreso na huwag madaliin ang pagpasa sa KPB.
Giit ni Manhit, kailangan munang lagyan ito ng malinaw na mga alituntunin sa proteksyon ng datos at mga mekanismo para sa pananagutan o accountability.
Iminungkahi rin ni Manhit ang paggamit ng whole-of-society approach sa problema, kabilang na ang mga kampanya laban sa fake news, digital literacy programs, regular na cybersecurity check, at pakikipagtulungan sa mga demokratikong bansa.