Umaasa si Senador Risa Hontiveros na agad na ring masisimulan ng Senate Committee on Public Services ang pagsisiyasat kaugnay sa palpak na serbisyo ng ilang water utilities na inirereklamo ng maraming residente.
Ayon sa senadora, na-i-refer na sa naturang kumite ang kanyang Senate Resolution 16 para busisiin ang mga joint ventures agreement sa mga private water concessionaires.
Ipinaliwanag ng senador na ang usapin ng mabaho at maruming tubig ay pumapasok na sa usapin ng dignidad ng bawat tahanan ng bawat pamilya.
Maging ang mga catch-up plans anya kasama ang concessionaires ay hindi na rin sumasapat kaya’t kailangan nang magsagawa ng pagsisiyasat.
Binanggit ni Hontiveros na dapat ipatawag ang lahat ng ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa serbisyo sa tubig, ang mga pribadong kumpanyang pumasok sa JVA at ang iba pang stakeholders.—sa panulat ni Jasper Barleta