Mahigpit na nagbabala si dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio “Gringo” Honasan hinggil sa mga posibleng banta sa pambansang seguridad na idudulot ng kasalukuyang bersyon ng Konektadong Pinoy (KP) Bill.
Pahayag ni Honasan, kulang sa mga mekanismong pang-seguridad ang panukala partikular sa pagprotekta sa mga digital infrastructure ng bansa. Aniya, kung walang malinaw na legal na proseso para sa national security vetting ng mga Data Transmission Participants, hindi sapat ang Implementing Rules and Regulations (IRR) upang tiyakin ang seguridad at pananagutan ng mga ito.
“Without a prior legally mandated national security vetting process in allowing Data Transmission Participants, the Implementing Rules and Regulations (IRR) alone cannot provide the necessary level of scrutiny and accountability,” pahayag ni Honasan.
Iginiit ni Honasan na may kakulangan ang panukala sa regulasyong sasaklaw sa mga foreign-controlled firms lalo na sa mga sensitibong operasyon gaya ng cable landing stations at satellite gateways. Aniya, ang kasalukuyang probisyon ay masyadong maluwag at walang sapat na proteksyon para sa mga critical infrastructure.
Sabi ni Honasan, wala ring malinaw at legal na batayan ng parusa para sa mga kompanyang lalabag sa mga alituntunin na maaaring humantong sa seryosong pagkasira ng systems at service disruptions.
Kaugnay nito, sinuportahan ng Philippine Chamber of Telecommunications Operators (PCTO) ang panawagan ni Honasan kasabay ng panawagan nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang panukala.
Babala ng grupo, kulang sa regulatory oversight ang KP bill at maaaring makompromiso ang pambansang seguridad.
Nangangamba naman ang ilang telecommunications stakeholders hinggil sa dalawang taong compliance window na itinakda sa panukala na anila ay hindi sapat upang maabot ang kinakailangang cybersecurity standards.
Kahit may mga babala at pagtutol mula sa ilang sektor, nagpahayag naman ang DICT ng kumpiyansa na maisasabatas ang Konektadong Pinoy Bill sa kabila ng mga pangambang inihain ukol sa negatibong epekto nito sa pambansang seguridad.