Nanawagan sa pamahalaan ang CitizenWatch Philippines, isang lokal na advocacy group, na mas paigtingin ang malinaw at mahigpit na regulasyon sa e-gambling sa halip na tuluyan itong ipagbawal o i-ban.
Sa isang statement, iginiit ng grupo na kailangan ng mas malinaw at mahigpit na polisiya upang protektahan ang mga mamamayan partikular na ang mga kabataan laban sa mga panganib o masamang dulot ng e-gambling.
Ayon kay Orlando Oxales, lead convenor ng CitizenWatch, kinikilala nila ang mga negatibong dulot nito sa mental health, adiksyon, at sa kabuhayan ng mga nalululong sa online gambling.
“Calls for a total ban on online gaming are understandable given the rising public concern. But banning isn’t the answer. It creates more problems than it solves,” wika ni Oxales.
Sinabi ni Oxales na ang gagawing “blanket ban” ay maaaring magtulak sa industriya na lumipat sa underground market kung saan mas magiging laganap ang iligal na operasyon nito dahil walang tamang oversight ng gobyerno.
Bunga nito, mas maaaring maging biktima ang mga manlalaro ng mga mapagsamantalang offshore operators.
Kaya naman, ipinaliwanag ng lead convenor na dapat aniyang magkaroon nang maayos, mahigpit, at mas malinaw na regulasyon na nakatuon sa mas istriktong proseso ng pagkuha ng lisensya, malinaw na panuntunan sa age verification, at mga mekanismo para sa tunay na proteksyon ng mga konsyumer.
“What we need is stricter, smarter regulation–clear rules, modern tools and responsible enforcement that protect our people while preserving public benefit,” giit niya.
Binanggit din ni Oxales ang kahalagahan ng paggamit ng teknolohiya gaya ng artificial intelligence (AI) upang pigilan ang mga menor de edad na makapasok sa mga online gambling platform. Mahalaga umanong tiyakin ang transparency ng operasyon ng mga gambling operators at ang pagpapalakas ng cybersecurity upang maiwasan ang pandaraya at maling paggamit ng impormasyon ng mga manlalaro.
“Let’s be clear: Abuse must be stopped. But prohibition is a blunt tool. Precision regulation is more effective–and more sustainable,” diin pa ni Oxales.
Kung matatandaan, noong nakaraang taon ay umabot ang kita ng e-gambling sa humigit-kumulang P50 bilyon na siya umanong ginagamit para sa universal healthcare, sports development, at drug rehabilitation programs ng bansa.
Sabi ni Oxales, ang pag-ban sa e-gambling ay maaaring magdulot ng pagkalugi na umaabot sa P100 bilyon para sa kita ng bansa ngayong taon.
Kasabay nito, hinimok ng CitizenWatch ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Ad Standards Council, gayundin ang mga mambabatas na bumalangkas ng komprehensibong polisiya na makatutugon sa mabilis na paglago ng industriya ng e-gambling habang isinasalba ang kapakanan ng publiko.
Samantala, suportado naman ng FinTech Alliance Philippines, grupo ng mga major e-wallets sa bansa, ang pagpapatupad ng mas mahigpit na regulasyon na siyang suportado ni Senator Sherwin Gatchalian.
Maaalalang naghain ng panukalang batas si Gatchalian na layong higpitan pa ang regulasyon sa e-gambling upang protektahan ang mga Pilipinong manlalaro mula sa mga negatibong epekto nito.
Tinutuligsa rin ng 14 pang mga online gaming operators ang e-gambling ban at inirekomenda ang mas mahigpit na regulasyon para sa naturang industriya.
Kabilang dito ang World Platinum Technologies Inc., AB Leisure Exponent Inc., Total Gamezone Xtreme Inc., Gamemaster Integrated Inc., Lucky Taya Gaming Corp., Stotsenberg Leisure Park & Hotel Corp., Igo Digital High Technology Inc., Megabet Corp., Gavin Ventures Inc., Gotech Entertainment Inc., Meta Interactive Software Solutions Inc., Nextstage Entertainment Inc., Webzoid System Solutions Corp., at Trojan Wells Entertainment Corp.