MAGKAKASA ng imbestigasyon ang pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggamit ng pondong nakalaan sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon.
Pahayag ni BARMM spokesperson Mohd Asnin Pendatun, seryosong tinutugunan ng Office of the Chief Minister (OCM) ang isyu partikular na ang pagdawit sa pangalan ni Chief Minister Abdulraof Macacua at iginiit na matutukoy ang mga indibidwal na responsable sa kontrobersya.
“We will conduct an investigation on the alleged misuse of funds and identify the individuals who are dragging the Chief Minister in the controversy,” ani Pendatun sa isang pahayag.
Nabatid na ang anunsyo ay tugon sa privilege speech na inilatag ni Lanao del Sur 1st District Representative Ziaur Alonto Adiong noong Enero 27. Sa kanyang talumpati, isiniwalat ni Adiong na may mga pondong mula ₱500,000 hanggang ₱2.5 milyon ang naipasok sa Landbank accounts ng 400 barangay sa Lanao del Sur. Ngunit ilang araw matapos ang pagpasok ng pera, may mga nagpakilalang tauhan umano ng OCM ang nag-utos sa mga opisyal ng barangay na i-withdraw halos lahat ng pondo maliban sa ₱200,000 para umano sa isang “special operation” na hindi ipinaliwanag kung ano.
Sabi pa ni Adiong, maraming barangay officials ang tumangging gamitin ang pondo dahil sa kawalan ng malinaw na panuntunan o dokumentong sumusuporta sa paggamit nito. Iginiit ng kongresista na posibleng nagmula ang naturang pondo sa ₱6.356 bilyong Local Government Support Fund (LGSF) ng BARMM sa ilalim ng Bangsamoro Autonomy Act No. 56 kung saan malinaw sa Bangsamoro Budget Circular No. 10 na kailangan muna ng special budget request bago mailabas ang pondo.
Kaya naman, tiniyak ng BARMM na handa silang makipagtulungan sa anumang lehitimong imbestigasyon ng kongreso alinsunod sa mandato nito na magpatupad ng oversight function at tiyakin ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.
“We will assure they will face the consequences,” babala pa ni Pendatun.
Samantala, inaprubahan na rin ang House Resolution No. 2199 na humihiling ng isang inquiry in aid of legislation upang siyasatin ang umano’y pag-abuso sa pondo. Noong Hunyo 10, tinanggap ng kamara ang ulat na may kalakip na mga natuklasan at rekomendasyon hinggil sa nasabing usapin.
Ayon sa report, inirekomenda ng House Committee on Public Accounts na ipagpatuloy ng Commission on Audit (COA) ang masusing audit at pagsusuri sa buong proseso ng paglalabas at paggamit ng LGSF sa rehiyon.
Ngunit sa kabila ng kontrobersya na maaaring makaapekto sa kredibilidad ng pamahalaang rehiyonal lalo pa’t papalapit na ang kauna-unahang regular na halalan sa BARMM, tiniyak ng OCM na hindi ito magiging hadlang sa kanilang layuning ipatupad ang mga repormang administratibo tungo sa mas matatag at makataong pamamahala.