Iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court sa kaso ng dating pangulo at dapat na itong palayain.
Kasabay nito, hinimok ng defense team ni Duterte ang I.C.C. na itigil na ang imbestigasyon kaugnay sa kasong crimes against humanity ng dating pangulo.
Sa tugon ng kampo ng dating pangulo sa posisyon ng prosekusyon noong Hunyo a-dies, nakasaad na naantala ang paglatag sa mga key materials noong preliminary examination phase na ayon kay Atty. Nicholas Kaufman ay mahalaga sa kanilang jurisdictional challenge.
Sinabi ni Atty. Kaufman na inilabas lamang ang nasabing materyales matapos ang paulit-ulit nilang request.
Malaki aniyang epekto ito sa kanilang paghahanda at maari nitong maimpluwensyahan ang mga nakaraang mosyon na i-disqualify ang ilang mahistrado sa kaso ni Duterte.
Samantala, ikinalugod ni Atty. Kaufman ang ilang mga inisyatiba na naglalayong palayain ang dating pangulo, kabilang na rito ang resolusyon na inihain ni Senador Alan Peter Cayetano na humihiling sa pamahalaan na isailalim sa house arrest ang dating pangulo.