Ipinatawag ng Department of Foreign Affairs si Chinese Ambassador Huang Xilian upang iparating ang pagkabahala ng Pilipinas kaugnay ng ginawang paglalapat ng parusa laban kay Senador Francis Tolentino, kung saan ipinagbawal ang kanyang pagpunta sa China, Hong Kong, at Macau.
Inanunsyo ito ng Malacañang base sa impormasyong ipinarating ni Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro sa Palasyo.
Sinabi ni Palace Press Officer at Undersecretary Claire Castro na habang kinikilala ng DFA na nasa ilalim ng legal na prerogatibo ng China ang pagpataw ng mga parusa, hindi anya ito angkop kung ipinatutupad laban sa isang halal na opisyal na pinili ng taumbayan sa isang demokratikong proseso.
Ayon sa kalihim, hindi ito tugma sa pamantayan ng kapwa paggalang at dayalogo sa pagitan ng dalawang estado na kapwa may soberanya.
Ipinaalala rin ni Sec. Lazaro kay Ambassador Huang na bilang isang demokratikong bansa, pinahahalagahan ng Pilipinas ang kalayaan sa pamamahayag o freedom of expression.
Iginiit naman ng DFA na tungkulin ng mga halal na opisyal tulad ng mga senador na alamin at suriin ang mga isyung may kaugnayan sa interes ng bayan at ng sambayanang Pilipino.
—ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13)