Kapag tinatamad tayo o hindi marunong magluto, o di naman kaya ay nakakaramdam na ng matinding gutom, ang solusyon na unang pumapasok sa isip natin ay ang bumili ng pagkain o magpa-deliver. Katulad na lang ng isang bata mula sa Florida na gutom na gutom na kung kaya nagpa-deliver ito ng pizza……. Pero sa 911 tumawag.
Kung na-satisfy ba ang pizza cravings ng bata, eto.
Malamang ay hindi na bago para sa mga 911 dispatcher ang makarinig ng iba’t ibang kwento mula sa mga tawag na natatanggap nila araw-araw.
Pero isang araw, nagulat na lang ang mga rumespondeng pulis dahil sa ini-request sa kanila ng isang bata.
Tumawag kasi ang isang noo’y limang taong gulang na bata sa emergency hotline na 911 para sabihing nagugutom na ito at gusto sanang umorder ng pizza.
Nang dumating naman ang mga rumespondeng pulis sa bahay ng bata ay inabutan nila ito kasama ang kaniyang 15-anyos na ate.
Ayon sa kapatid ng bata, maayos ang lagay nilang magkapatid at wala siyang ideya na tumawag pala ito sa 911.
Matapos nito ay nagbigay ng paalala ang mga dumating na pulis tungkol sa tamang paggamit ng kanilang hotline na 911 at naglagay pa sa caption ng hashtags na #pizzahotline, #foodemergency, at #pleasedon’tcall911fordelivery sa kanilang post kung saan makikitang kasama nila sa picture ang bata.
Gayunpaman, mali man ang naging paggamit ng bata sa emergency hotline, na-satisfy pa rin ang cravings nito dahil binilhan siya ng mga pulis ng large pizza at sila mismo ang nag-deliver sa kanilang bahay.
Sa mga may makukulit na chikiting diyan, ingat-ingat at baka kung sinu-sino ang matawagan ng mga anak niyo at baka kung anu-anong request o chika ang ikwento nito.