Ipinatawag na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isang pulong ang mga miyembro ng kanyang economic team para talakayin ang binabantayang epekto ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro, kabilang sa napag-usapan sa pagpupulong ang paghahanda ng gobyerno sa pagpapatupad ng fuel subsidy sa mga operator at driver ng Public Utility Vehicles (PUV) na direktang maaapektuhan kapag nagpatuloy ang pagsirit ng presyo ng petrolyo.
Sinabi ni Usec. Castro na may nakalaan nang 2.5-billion pesos na pondo para sa fuel subsidy, na layong maibsan ang epekto ng taas-presyo ng mga produktong langis sa mga puv operator at drivers, pati na sa mga commuter.
Naniniwala ang palasyo na magkakaroon ng “domino effect” o madadamay ang iba pang sektor kung magpapatuloy ang bakabakan ng Israel at Iran, partikular ang logistics at kalakalan.