Mariing itinanggi ni Senador Joel Villanueva ang paratang ng kamara na ayaw makipag-usap ng Senado sa mga Kongresista hinggil sa panukalang dagdag na sahod.
Paglilinaw ni Senador Villanueva, nakipag-usap siya kasama si Senate President Chiz Escudero sa house conferees na kinabibilangan nina Representatives Arlene Brosas, Democrito Mendoza, at Jolo Revilla para muling i-apela ang kahilingang i-adopt na lamang ng kamara ang 100 pesos daily minimum wage hike bill ng Senado.
Ngunit sa huling araw anya ng sesyon nuong Hunyo 11, nalaman na lamang nila na nireject ni House Committee on Labor Chairman Juan Fidel Nograles ang apela ng senado.
Iginiit din ng Senador na matapos maaprubahan ng kamara nuong Hunyo 5 ang bersyon ng panukala ng kamara, hindi nito agad isinumite sa Senado ang kopya ng naaprubahang bill kaya’t hindi na ito na-aral pa ng mga senador bago magtapos ang 19th Congress.
—sa panulat ni Mark Terrence Molave