Desisyon pa rin ng Senado bilang plenaryo ang mananaig sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa gitna ng iba’t ibang opinyon kaugnay ng nakatakdang impeachment laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Escudero, sa huli ay desisyon ng mayorya ng mga senador ang masusunod.
Dagdag pa niya, kung may naniniwalang labag sa Konstitusyon ang pag-urong ng pagbasa sa Articles of Impeachment ni VP Sara, o ang pag-convene ng Senado bilang impeachment court, may karapatan silang magsampa ng kaso sa Korte Suprema.
Ipinaliwanag din ni Escudero na pagkatapos ng Hunyo 30 ay wala nang otoridad ang prosekusyon dahil tapos na ang 19th Congress. Wala ring pre-trial na maaaring gawin mula Hunyo 30 hanggang bago ang SONA sa Hulyo 27.
Anuman ang mapagkasunduan ng 19th Congress tungkol sa impeachment court, hindi ito kailangang sundin ng 20th Congress. Kailangan aniyang mag-convene muli ang mga senador bilang impeachment court kung itutuloy ito sa susunod na Kongreso.
—sa panulat ni John Riz Calata