Kung sa tingin niyo ay mga aso at mga matsing lang ang mga hayop na matatalino, nagkakamali kayo, dahil kung patalinuhan lang din naman ang pag-uusapan, may laban din pala ang mga baboy diyan. Katulad na lang ng mga biik sa kwento na ito na hindi nagpasindak sa pananakot ng kanilang amo.
Kung ano ang ginawa ng mga biik, eto.
Sa isang video mula sa teacher at negosyante na si Marx Barquilla, makikita ang halos sampung mga biik sa kanilang pigpen na nagkukumahog sa pagtakbo.
Paano ba naman kasi, niloloko sila ni Marx na kung sino ang gumalaw sa mga ito ay lulutuin.
Ang mga biik, bigla tuloy tumigil sa pagtakbo at talaga ngang hindi gumalaw na mistulang nanigas sa kinatatayuan nila.
Ayon kay Marx, naisipan niya raw videohan ang mga alaga niyang biik nang magtakbuhan ang mga ito pagkarating niya sa babuyan.
Paliwanag niya, nakikiramdam sa posibleng panganib ang mga baboy kapag tumitigil ang mga ito sa pagglaw.
Pinatunayan naman ito ng wildlife veterinarian na si Dr. Romulo Bernardo at sinabing tatlo ang nagiging reaksyon ng mga baboy sa tuwing may panganib, ‘yan ay ang paglaban, pagtakas, at pagpapatay-patayan o hindi paggalaw.
Dagdag pa niya, bago kumilos ay pinag-iisipan muna nang maigi ng mga baboy kung ano ang gagawin nilang hakbang.
Aniya, ang kadalasang response ng mga biik katulad ng mga alaga ni Marx ay ang mag-freeze. Natututo rin daw ang mga baboy sa pagre-react base sa mga salita at galaw na nakikita nila sa kanilang paligid.
Samantala, para sa mga concerned sa mga kakatwang biik, don’t worry dahil sinabi ni marx na hindi pa naman daw kakatayin ang mga ito dahil kailangan pa silang palakihin.
Sa mga may alagang baboy diyan, bukod sa pagpapanatili sa kalusugan ng mga ito, hinahasa niyo rin ba ang kanilang pag-iisip?