Sinimulan na ng Kamara ang paghahanda para sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, nakiisa sa pagpupulong ang senate counterparts, maging ang mga opisyal mula sa Philippine National Police; Armed Forces of the Philippines; Metropolitan Manila Development Authority; at Department of Foreign Affairs upang talakayin ang preparasyon sa seguridad at listahan ng mga dadalong bisita.
Inaasahang aabot sa dalawang libong indibidwal ang iimbitahan sa SONA, gaya noong nakalipas na taon.
Dagdag pa ni Sec. Gen. Velasco, may nakalaan pa ring upuan para kay Vice President Sara Duterte, dumalo man ito o hindi sa sona ng pangulo.
Samantala, nakatakda namang pag-usapan sa susunod na pagpupulong ang seating plan kung saan, inaasahang makapagsusumite na ng initial list ang senado para sa kanilang mga iimbitahan sa ika-apat na ulat sa bayan ni Pangulong Marcos.—ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)