Tinabla ni International Criminal Court Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti ang paghamon ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC at ang pagkwestyon sa hurisdiksyon ng naturang korte sa Pilipinas.
Ayon kay Atty. Conti, na tumatayo rin bilang legal counsel ng mga biktima ng drug war campaign ni Duterte sa halip na diretsahang sagutin ng kampo ng dating pangulo ang mga reklamo kaugnay sa kampanyang ipinatupad nito ay inililihis ng mga ito ang usapin.
Iginiit ng abugado na alinsunod sa Rome Statute, hindi sapat na basehan ang withdrawal ng isang bansa upang maibasura ang mga kasong naihain na bago pa ito kumalas sa ICC.
Dagdag pa ng Abugado, sa puntong ito, ang prosecutor at ang defense team ni Duterte ang magkalaban ngunit sinabi ni Atty. Conti na maaari pa ring makialam ang mga biktima.
Gayunman, naninindigan pa rin ang abugado na ang ICC ay may hurisdiksyon sa Pilipinas.
Nabatid na ang dating pangulo ay nasa kustodiya ng ICC dahil sa kasong crimes against humanity bunsod ng ipinatupad na giyera kontra droga sa ilalim ng kanyang administrasyon.—sa panulat ni John Riz Calata