Pumalo na sa 13 ang bilang ng mga naiulat na namatay sa kabuuang 35 insidente ng election-related violence.
Ito ayon sa Commission on Elections kasunod ng muling pagpapaalala ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia sa mahigpit na pagbabantay ng mga otoridad sa mga lugar na itinuturing na election hotspots upang maiwasan pa ang pagdami ng naitatalang insidente.
Una nang naiulat na may pinakamataas na kaso ng election-related incidents sa Cordillera at Bangsamoro regions na may 11 at 8 kaso.
Samantala, bagama’t nakababahala ang mga nasabing karahasan, nilinaw naman ng Commissioner na maituturing pa rin na mas mapayapa ang kasalukuyang election period kung ikukumpara ito sa nagdaang halalan.
Kaugnay nito, siniguro ng poll body na puspusan ang kanilang pakikipagtulungan sa PNP, AFP at iba pang ahensya upang masiguro ang maayos at mapayapang halalan.—sa panulat ni Jasper Barleta