Pinagtibay ng Court of Appeals ang inisyung arrest warrant ng Quezon City RTC laban sa maybahay nang pinaslang na international race car driver Ferdinand ‘Enzo’ Pastor noong 2014.
Ibinasura ng CA 7th Division ang apela ni Dalia Guerrero-Pastor na ipatigil ang arrest order dahil sa kawalan ng merito.
Ayon sa CA, bigo si Dalia na igiit ang kaniyang legal right na dapat protektahan bukod sa bigo pa ito anilang makumbinsi ang korte na kailangang ipawalang bisa ang kaniyang arrest warrant.
Tumanggi namang magpasya ang appellate court sa argumento ni Dalia na walang kaukulang ebidensyang hawak ang prosecution para suportahan ang parricide case laban sa kaniya.
Si Pastor ay pinatay noong June 12, 2014 sa kanto ng Visayas at Congressional Avenues sa Quezon City habang pauwi mula sa isang sinalihang event sa Clark International Speedway sa Pampanga.
—-