PINANINIWALAAN na isang mag-asawang natalo noong May 2025 elections ang nasa likod ng disinformation campaign laban kay Special Assistant to the President Anton Lagdameo kaugnay sa mga isyung ipinakakalat sa Bangsamoro Automomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ito ang pahayag ni Maguindanao del Sur Congressman Esmael ‘Toto’ Mangudadatu hinggil sa mga isyu sa BARMM na sinasabing pilit iniugnay ni Sultan Kudarat Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu kay Lagdameo upang dungisan ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang special assistant. Buhat pa noong 2025 elections ay lantaran na umanong inihahayag sa publiko ng pamilya ni Gov. Datu Pax Ali ang paninira kay Lagdameo hanggang matapos ang halalan kung saan natalo sa mga kandidato ni SAP ang ama ni Datu Pax na si Suharto ‘Teng’ sa pagka-gobernador ng Maguindanao del Norte at ang ina nitong si Bai Marriam sa parehong posisyon sa lalawigan naman ng Maguindanao del Sur. Giit ni Cong. Toto, ngayong nalalapit ang October 13, 2025 BARMM parliamentary election ay muling mararamdaman umano ang partisipasyon ulit nina Gov. Datu Pax Ali at pamilya nito sa mga paninira kay Lagdameo. “Bukod sa luma at maling bintang na si Anton ang pangunahing dahilan ng hindi magandang resulta para sa senatorial lineup ng Alyansa nuong nagdaang May election ay pilit nilang iniuugnay si SAP sa mga kasinungalingang nasa likod siya ng mga pagtatangka na muling ipagpaliban ang October 13 BARMM parliamentary polls,” pahayag ni Cong. Toto. “Sa totoo lang ay si Anton ang nangunguna at aktibong sumusulong para sa ganap na pagkakaroon ng parliamentary government ng BARMM sa pamamagitan nitong paparating na October 13 election. At iyan ay sa utos sa kanya ng Pangulo bilang pagtupad sa pangakong mabigyan ng ganap na pagsasarili ang Bangsamoro region at mapanatili ang kapayapaan at progreso hindi lang sa rehiyon kundi sa buong Mindanao,” diin ni Cong. Toto. Kung maaalala, noong nagdaang mga linggo ay muling kumalat sa loob ng BARMM ang mga mali at mapanirang balita na si Lagdameo ang umano’y nasa likod ng hindi pagpasa ng BTA bill na magbibigay ng allocation para sa pitong upuan na dapat ay para sa mga kinatawan ng bumitiw sa BARMM na lalawigan ng Sulu. Sinasabing si Lagdameo rin ang isa sa mga naghahangad na muling ipagpaliban ang nakatakdang October 13 BARMM election. Subalit pinaniniwalaan na isang mataas na opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang nakikipagsabwatan sa ilang lider ng Bangsamoro upang ituloy ang halalan sa October 13 para sa 73 upuan ng BARMM parliamentary at ang para sa pito pang upuan para sa 80-member Parliament ay sa pamamagitan ng Presidential appointment or special election. Ipinalalagay na ang nasabing opisyal ng Comelec ang nasa likod ng umano’y mapanlinlang na kuwento na kesyo humihiling ng pagpupulong sa Presidente ang mga gobernador ng BARMM at nakiusap pa ang mga ito na huwag isama si Lagdameo. Lumalabas na ang interes umano ng pamilya nina Teng Mangudadatu ay nakatutok sa appointment para sa BARMM parliamentary seat kung hindi magtagumpay ang grupo nina Chaiman Abdulraof Macacua at Lagdameo na maisabay sa darating na October 13 elections ang pitong upuan ng Bangsamoro parliament at ang pagpuno nito ay sa pamamagitan na lamang ng pag-appoint ni Pangulong Marcos. Samantala, lumitaw ang mga alegasyon na ang inaasahan ng pamilya nina Teng Mangudadatu para sa pagkakataon na ma-appoint ay ang kanilang koneksiyon umano sa naturang poll official.