Muli na namang napatunayan na kayang-kaya na talagang makipagsabayan ng Pilipinas sa iba’t ibang mga bansa. Pero this time, sa larangan naman ng edukasyon. Dahil ang isa sa mga tinitingalang unibersidad sa Pilipinas, ikinukunsidera lang naman ngayon na isa sa top universities sa buong mundo.
Kung ano ang naging basehan ng rankings na ito, eto.
Kilala ang University of the Philippines bilang isa sa mga prestihiyosong unibersidad sa bansa. Isang malaking achievement para sa mga estudyante ang makapasok at makapagtapos mula rito.
Kamakailan lang, muling napatunayan ng unibersidad ang kredibilidad nito matapos makipagsabayan sa iba’t ibang mga unibersidad sa buong mundo.
Ang UP Diliman at UP Manila kasi, kabilang sa inilabas na listahan ng Center for World University Rankings (CWUR) ng top universities all over the world.
Sa 2,000 mga unibersidad, lumapag ang UP Manila sa 1,677th rank, habang nasa 1,784th rank naman ang UP Diliman.
Pero kung national rankings ang pag-uusapan, nangunguna ang UP Manila at pumapangalawa naman ang UP Diliman.
Base sa latest report, nakakuha ang UP Manila ang 1,047th rank pagdating sa employability at nasa ika-1,607 naman ito sa research rankings. Sumatutal, 67.4 ang nakalap na score ng nasabing campus.
Habang ang Diliman campus naman ay nakakuha ng 67.0 na overall score at nasungkit naman nito ang 1,711th rank sa research category.
Samantala, pinangunahan naman ng Harvard University, Massachusetts Institute of Technology, at Stanford University ang listahan kung saan sinala ang mga napabilang na unibersidad base sa education, faculty, research, at employability nito.
Sa mga isko at iska diyan, mas nakakaproud ba ngayon na maging iskolar dahil sa naging resulta ng report na ito?