Tinululan ng Teachers Dignity Coalition ang inihahaing panukala ni Senador Jinggoy Estrada na tuluyang tanggalin ang K to 12 program ng Department of Education.
Ayon kay TDC President Benjo Basas, hindi magiging solusyon ang naturang panukala at mas magiging komplikado lamang ang sistema ng edukasyon dahil dito.
Gayunman, aminado si Basas na kailangan pa ring suriin ng mga ahensya ng gobyerno at mga mambabatas kung saan sila nagkulang sa pagpapatupad ng programa dahil kapansin-pansin ang hindi maayos na implementasyon nito batay sa mga kinakaharap na suliraning pang-edukasyon.
Paliwanag ni Basas, nararapat din na mabigyan ng sapat na budget ang programa lalo’t nagpatong-patong na ang problema ng education sector sa loob ng tatlong administrasyon mula nang magsimula ang K to 12.