Nanawagan si Sen. Panfilo Lacson sa Malacañang na palawakin pa ang saklaw ng “Sumbong sa Pangulo” website upang masilip din ang iba pang kontrobersyal na proyekto ng pamahalaan, hindi lamang ang flood control programs.
Ayon kay Sen. Lacson, napatunayan na ang kahalagahan ng naturang platform matapos matukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang labinlimang contractors na kumopo ng halos 20 percent ng kabuuang flood control projects.
Ilan sa mga proyektong ito ay iniimbestigahan dahil pinaghihinalaang “ghost projects” na dahilan ng patuloy na problema sa matinding pagbaha.
Iginiit ng senador na dapat ding maging bahagi ng online sumbungan ang iba pang infrastructure projects para mabunyag ang posibleng katiwalian.
Binatikos din ni Lacson ang umano’y pagkaparalisa o pagiging inaccessible ng website ng Department of Public Works and Highways tuwing may budget deliberations o kontrobersyal na isyu.
Aniya, nagdudulot ito ng hinala na sinasadya ang ganitong sitwasyon upang hindi agad masilip ng publiko ang mga proyekto.
—Sa panulat ni Jasper Barleta