Umaasa si Senate President Tito Sotto na sesertipikahang urgent ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang kanyang panukalang batas na naglalayong magtatag ng Independent People’s Commission (IPC) na mag-iimbestiga sa mga katiwalian sa mga government infrastructure projects.
Ayon kay SP Sotto, ngayong araw ay sisikapin niya na makausap ang pangulo para ipaabot ang kahilingan na sertipikahan bilang urgent ang kanyang panukala. Ito ay ang Senate Bill 1215 na nakatakdang sponsoran sa plenaryo ng Senado sa pagbabalik ng sesyon sa ikalawang linggo ng Nobyembre.
Una rito, nakiisa ang mga grupo ng labor at business groups sa mga nananawagan sa pangulo na sertipikahang urgent ang nabanggit na panukalang batas para mabigyan ng higit na ngipin ang Independent Commission for Infrastructure na nag-iimbestiga ngayon sa mga maanomalyang flood control projects.
Sa ganitong paraan ay maibabalik ang tiwala sa pamahalaan sa gitna ng nabulgar na talamak at malawakang katiwalian sa mga infrastructure projects ng pamahalaan.
Sa ginawang pagdinig sa Senate Bill 1215, napag-usapan na mahalagang masertipikahan itong urgent para agad itong maaprubahan bago magsimula ang plenary deliberation ng 2026 budget.




