Inatasan ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang lahat ng opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at mga attached agency nito na isuko ang kanilang mga protocol license plates kasabay ng pagbabawal ng paggamit ng sirens, blinkers, at iba pang signaling devices sa mga opisyal na sasakyan.
Sa inilabas na kautusan ni Acting Secretary Lopez, binabawi na ng DOTr ang lahat ng otorisasyon na gumamit ng protocol plates upang maiwasan ang maling paggamit at pang-aabuso sa mga special plate ng pamahalaan.
Inatasan din ng kalihim ang Land Transportation Office (LTO) na makipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya para sa implementasyon ng kautusan at magsagawa ng updated inventory ng lahat ng naipamahaging protocol plates, alinsunod sa Joint Administrative Order No. 2024-001.
Kaugnay nito, ipinag-utos din ng DOTr official ang mahigpit na pagpapatupad ng Administrative Order No. 18 ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na naglilimita sa paggamit ng “wang-wang,” blinkers, at iba pang katulad na kagamitan sa mga sasakyan ng mga opisyal ng gobyerno.
Tiniyak naman ng DOTr na patuloy nitong paiigtingin ang disiplina at integridad sa serbisyo publiko bilang bahagi ng programang Bagong Pilipinas.