Suportado ni U.S. President Donald Trump ang isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na independent foreign policy, lalo na sa pagtutok nito sa pakikipag-alyansa sa iba’t ibang bansa, higit pa sa mga nakasanayang kaalyado.
Sa isang joint press conference na ginanap sa White House, kapwa pinagtibay ng dalawang lider ang matatag na ugnayan ng Estados Unidos at Pilipinas, kasabay ng paggalang sa karapatan at soberanya ng bawat bansa.
Bilang paghahanda ng Pilipinas sa hosting nito sa Association of Southeast Asian Nations sa 2026, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangakong ipagtanggol ang pambansang interes at makipagtulungan sa pandaigdigang komunidad.
Wala rin aniyang kailangang balansehin sa relasyon ng Pilipinas sa Estados Unidos at China dahil malaya ang patakarang panlabas ng bansa.
Sinabi rin ng pangulo na bagamat nananatiling matibay na kaalyado ang Amerika, mahalaga ring makabuo ng ugnayan sa ibang bansa na gumagalang sa international law at demokratikong mga prinsipyo gaya ng UNCLOS.