Pinag-iingat ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Indian nationals na nais mag-negosyo sa ilang lugar sa Mindanao.
Sa kanyang pakikipag-pulong sa ilang grupo ng mga negosyante sa India, inamin ng Pangulo na tuloy pa rin ang banta ng terorismo sa ilang bahagi ng Mindanao region.
Sinabi ng Pangulo na hindi malayong targetin ng mga kalaban ng estado ang Indian nationals at iba pang foreign investors sa kanilang paghahasik ng lagim.
Nakabalik na ng bansa ang Pangulong Duterte mula sa ilang araw na biyahe sa India kung saan din siya dumalo sa Asean – India Commemorative Summit.
Samantala, inimbitahan ng Australia si Pangulong Rodrigo Duterte na dumalo sa Commemorative Summit na dadaluhan ng iba’t ibang lider sa Asya at gaganapin sa Sydney mula Marso 16 hanggang 18, taong kasalukuyan.