Tinutugis na ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga nasa likod ng pagpasok at pamamahagi ng tinaguriang “tuklaw” o black cigarette, matapos kumalat ang mga video ng mga kabataang nangingisay matapos itong gamitin.
Batay sa pagsusuri ng PDEA at Dangerous Drugs Board, naglalaman ang sigarilyong ito ng dahon ng tabako na may 9% nicotine; mas mataas kaysa karaniwang sigarilyo, at synthetic cannabinoid na kabilang na sa listahan ng dangerous drugs simula 2023.
Dahil dito, maaari nang arestuhin ang sinumang mahuhuli na nagmamay-ari o gumagamit ng tuklaw.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng operasyon ang pdea, katuwang ang national bureau of investigation at philippine national police, para matukoy ang pinagmumulan at daluyan ng naturang produkto.
Binabantayan na rin ng mga otoridad ang online na bentahan ng tuklaw, na mas mura kumpara sa ibang ipinagbabawal na droga kaya’t mabilis itong nakakaaakit sa mga estudyante at kabataan.