Itinanggi ng Presidential Communications Office o PCO na sila ay nagmementina at nagbabayad sa mga tinatawag na “reactors” pati “vloggers.”
Sa budget deliberation ng House Committee on Appropriations, sinabi ni SAGIP Partylist Rep. Paolo Henry Marcoleta na mayroon umanong nagkwento sa kanya na nasa 100 hanggang 200 ang reactors ng PCO para magbigay ng positibong reaksyon o komento sa mga social media post na tungkol sa Marcos Jr. administration.
Maliban dito, nasa 76 vloggers umano ay mine-maintain ng PCO.
Batay din sa impormasyong nakuha ni Marcoleta, nasa P7,000 pa nga ang bayad sa mga reactor kada buwan.
Bilang tugon sinabi ni PCO Acting Sec. Dave Gomez, na walang ganito o hindi nagbabayad ang PCO.
Binigyang-diin ni Gomez na mayroong “organic” at mga totoong tao na sumusuporta kay Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Gomez, na kahit tingnan pa sa budget ng PCO ay walang makikita ang naturang kongresista.