Pasig City Mayor Vico Sotto, nakarating na sa People’s Center ng Batasang Pambansa para dumalo sa ikalawang pagdinig ng House Infrastructure Committee ngayong araw.
Haharap sa komite si Sotto na binubuo ng Committee on Public Accounts; Public Works and Highways; at Good Government and Public Accountability na nag-iimbestiga sa palpak at maanomalyang flood control projects ng DPWH.
Ayon kay Mayor Sotto, inimbitahan siya ng komite na dumalo para magbigay ng impormasyon sa kaniyang nalalaman hinggil sa isyu ng mga proyekto ng flood control.
Matatandaang sa ginanap na hearing kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee, kasama sa listahan ng mga kongresista na naka-deal umano ng mag-asawang Pacifico at Sarah Discaya ang pangalan ni Pasig Rep. Roman Romulo na agad namang pinabulaanan ng kongresista.
Naniniwala ang kampo ni Romulo na bahagi ito ng pulitika dahil matatandaang naglaban sa mayoral race sa Pasig City sina Vico Sotto at Sarah Discaya.
Samantala, inaasahan ring makikiisa at magbibigay ng kani-kanilang statement ang mga kongresista na pinangalanan din ng mag-asawang Discaya sa Senate hearing.
Una nang pinadalhan ng subpoena ng Infra-Comm ang mga Discaya dahil sa no show o hindi pagsipot sa nakalipas na pagdinig.