Matagal nang pinapangarap ng mga magsasaka na tuluyang maging kanila ang mga lupang kanilang sinasaka.
Ngayon, katuwang ang pamahalaan ay naging realidad na ito sa ilalim ng legacy program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa Regionwide Land Titles and COCROM Distribution ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Davao Region nitong Huwebes, Hulyo 24, sinabi ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo na isa ito sa mga katuparan ng pangarap ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo.
“Dahil sa pamanang programa ni Pangulong Marcos, natupad na rin ang inyong pangarap na maangkin ang lupaing matagal na ninyong sinasaka,” pahayag ni Lagdameo sa mga tumanggap ng land titles at COCROM — mga dokumentong nagpapatunay ng pagmamay-ari sa lupa.
Kasama sa programa ang pamamahagi ng Certificates of Land Ownership Award (CLOA) at condonation documents na naglalayong burahin ang utang ng mga magsasaka sa ilalim ng New Agrarian Emancipation Act o Republic Act No. 11953.
Dagdag ni Lagdameo, layunin ng gobyerno na palakasin ang produksyon sa agrikultura sa pamamagitan ng tulong pinansyal, teknikal na suporta, at pagsasanay na ibinibigay ng DAR at Department of Agriculture (DA).
“Saludo po kami sa ating mga magsasaka. Nawa’y magbigay ito ng panibagong lakas at inspirasyon para patuloy kayong makapag-ambag sa kaunlaran ng bansa,” wika pa ng opisyal.
Nagpasalamat din si Lagdameo kay DAR Secretary Conrado Estrella III para sa mabilis na pagpapatupad ng programa.
Samantala, patuloy naman ang pagtutok ng administrasyong Marcos sa modernisasyon ng agrikultura para matiyak ang seguridad sa pagkain at pagtibayin ang pundasyon ng ekonomiya.