Bukas ang Pilipinas sa plano ng Estados Unidos na magtayo ng ammunition production facility sa bansa, bilang bahagi ng pinalalakas na ugnayan sa larangan ng depensa at ekonomiya.
Ayon kay Philippine Ambassador to the U.S. Jose Manuel Romualdez, aprubado na ng US Congress ang probisyon sa kanilang National Defense Authorization Act na nagpapahintulot sa pagtatayo ng pasilidad ng armas sa Pilipinas na maaaring itayo sa Subic, Zambales.
Tinututukan na aniya ng pamahalaan ang mga preparasyon, lalo’t may mga lokal na kumpanya na aniya ang nagpapakita ng interes na makibahagi sa posibleng consortium para sa naturang proyekto.
Bagama’t wala pang pormal na negosasyon, sinabi ni Ambassador Romualdez na nakikita nilang makatutulong ito sa pagpapalakas ng kakayahang pang-depensa ng bansa at makakalikha rin ito ng dagdag na trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino.
Nauna nang sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi pa nakakarating kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing panukala, kaya wala pang tugon ang Pangulo hinggil dito.
—sa panulat ni John Riz Calata